Maaari lamang umanong mapatalsik sa puwesto si Senate President Manny Villar kung may mabigat na kasalanan ito sa taumbayan at hindi dahil lamang may mga senador na hindi kuntento sa liderato nito.
Sinabi ni Senate Majority Leader Francis “Kiko” Pa ngilinan na hindi basta-basta mapatalsik sa puwesto si Villar kung hindi naman mabigat ang mga akusasyon laban sa kanya.
Isa sa mga inaangal ni Sen. Jamby Madrigal ay ang paggamit umano ni Villar sa ‘caucus’ upang ang pagpapatibay ang isang panukalang batas at hindi sa malayang debate sa bulwagan ng Senado.
“Laging may batikos sa liderato ng Senado kahit sino pa ang nakaupo ngunit hangga’t hindi mabigat-bigat ang paratang laban sa liderato mahirap magkaroon ng realignment sa hanay ng mga senador,” sabi ni Pangilinan.
Ayon pa rito, sa kasalukuyan ay wala namang kontrobersiyang kinakasangkutan si Villar kaya walang dahilan para patalsikin ito sa puwesto. (Malou Escudero)