Jalosjos bulukin
“Bulukin si Jalosjos sa kalaboso.”
Ito ang iginiit ng militanteng party-list representative ng kilusang GABRIELA na si Liza Masa kasabay ng panawagan kay Presidente Gloria Macapagal- Arroyo na bawiin ang commutation na iginawad ng huli sa double life sentence ni dating Zamboanga del Norte Rep. Rep. Romeo Jalosjos.
Si Jalosjos na sinentensyahan dahil sa salang panggagahasa sa isang minor de edad ay muling inaresto ng pulisya sa Dapitan, Zamboanga del Norte ilang oras matapos maiulat na ito’y palihim na lumipad lulan ng isang private plane kasunod ng “pagtakas” diumano sa pambansang piitan sa Muntinlupa.
Ayon kay Masa na pangunahing advocate ng kapakanan ng mga kababaihan, ang pagpuga ni Jalosjos sa pambansang piitan ay katunayan na hindi ito karapatdapat na patawarin sa kanyang pagkakasala.
Noong nakalipas na linggo, iniulat na nagpalabas ng release order ang Bureau of Corrections para sa paglaya ni Jalosjos pero ito’y agad sinalungat ng Malacañang na nagsabing base sa iginawad na commutation of sentence ng Pangulo, makalalaya lamang si Jalosjos sa taong 2009.
Sa kabila nito, iginiit ni Jalosjos na siya ay isa nang “free man” at ang kanyang pagkakaaresto ay labag sa batas. Balak din umano niyang magsampa ng demanda sa mga umaresto sa kanya kasama si Reg. 9 Philippine National Police Directror Chief Supt. Jaime Caringal.
Sinabi naman ni DOJ Secretary Raul Gonzalez na ikinukonsiderang pugante si Jalosjos dahil ang naturang release order ay “null and void” o walang bisa dahil hindi awtorisado ng Malacañang. Ganyan din ang pahayag ni PNP Chief Avelino Razon na nagsabing hindi kailangan ang isang warrant of arrests sa paghuli ng isang pugante o takas na bilanggo.
Kaugnay nito, pinag-aaralan na ng PNP ang pagsasampa ng panibagong kaso laban kay Jalosjos matapos nitong labagin ang batas nang lumabas sa kaniyang detention cell sa New Bilibid Prisons at umuwi na nagbunsod upang arestuhin ito muli kamakalawa sa kanilang lugar sa Dapitan City sa Western Mindanao.
Ayon kay Razon, binigyan na niya ng direktiba ang PNP Legal Division at PNP-Criminal Investigation and Detection Group na kumpletuhin ang mga dokumento sa pagsasampa ng panibagong asunto laban sa dating solon.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Razon ang paghihigpit ng seguridad sa Zamboanga Penal colony upang makatiyak na hindi makakatakas ang convicted rapist na si Jalosjos.
Sinabi ni Razon na binigyan na niya ng direktiba si Caringal para bantayang mabuti si Jalosjos.
Ang hakbang ay sa gitna na rin ng imbestigasyon ng Department of Justice sa hinihinalang pagsasabwatan ng ilang opisyal ng NBP para makatakas si Jalosjos at makauwi sa bayan nito sa Zamboanga del Norte.
Sa kasalukuyan, ayon sa PNP Chief, wala pang abiso ang DOJ kung kalian ibabalik sa NBP si Jalosjos.
Dahil dito, posibleng sa Zamboanga Penal Colony na magdiwang ng Pasko si Jalosjos matapos itong maaresto.
Sinabi ni Vinarao sa isang panayam sa radyo na, kahit minimum security risk si Jalosjos, dapat sanang namonitor ang mga galaw nito.
Winalambahala rin ni Vinarao ang akusasyon ni DOJ Secretary Raul Gonzalez na nagkamali siya ng komputasyon sa petsa ng dapat na paglaya ni Jalosjos.Idiniin niya na si Gonzalez ang may kapangyarihang magtakda ng petsa.
Sinasabi ni Gonzalez na, batay sa sarili niyang pagkukuwenta, sa Hulyo 2009 pa lalaya si Jalosjos.
Gayunman, nais umano ng mga kamag-anak ni Jalosjos na mailipat siya sa rest house ni dating Pangulong Joseph Estrada sa Tanay, Rizal.
Ayon kay Gonzalez, nakatanggap siya ng impormasyon na mayroong problema si Jalosjos kay Dapat kaya nais ng dating Kongresista na mailipat ito sa ibang lugar.
Subalit sa kabila ng sinasabing problema na namamagitan kay Jalosjos at Dapat ay tumanggi naman ang Kalihim na pagbigyan ang kahilingan ng una na mailipat ito sa dating kinalalagyan ni Erap.
Nilinaw ng kalihim na labas sa hurisdiksyon ng BuCor ang Tanay. Nasa ilalim anya ito ni Department of Interior and Local Government Sec. Ronaldo Puno pero hindi papayag ang kalihim na mailipat doon si Jalosjos.
- Latest
- Trending