P10K bonus ng government workers bitin
Bitin ang ipinalabas ng Malacañang na budget para sa performance bonus para sa lahat ng mga empleyado ng gobyerno dahil sa halip na P10,000 gaya ng ipinangako ni Pangulong Arroyo ay inanunsiyo kahapon ni Budget Secretary Rolando Andaya Jr., na P7,000 bonus na lamang ang kanilang maibibigay at ang karagdagang P3,000 ang babalikatin ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kung may pondo ang mga ito.
“All employees of national government, whether permanent or contractual or casual will get a P7,000 bonus. The additional P3,000 depend on the savings of their respective agencies,” wika pa ni Sec. Andaya.
Dahil dito, wala pa ring katiyakan kung matatanggap ng PNP at AFP ang ipinangakong P10,000 performance bonus.
Ayon kay PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., wala silang pondo sa kasalukuyan pero pipilitin nilang maibigay ang karagdagang P 3,000 pondo para sa naturang ipamamahaging performance bonus ng mahigit sa 120,000 opisyal at miyembro ng pulisya.
Ipinaliwanag naman ni PNP spokesman Chief Supt. Samuel Pagdilao na kung walang pondong makuha bago magtapos ang taon ay P7,000 lamang na galing sa national government ang kanilang maibibigay na performance bonus.
“Pag walang savings na ma-generate ang PNP until the end of the year, P7,000 lang yung bonus ng mga pulis,” ani Pagdilao.
Sa panig naman ng AFP, sinabi ni Lt. Col. Bartolome Bacarro, Chief ng AFP-Public Information Office na sa kasalukuyan ay hindi pa nila tiyak kung ma tutugunan ng pondo ng kanilang hukbo na maibigay ang karagdagang pondo para sa performance bonus ng mga sundalo.
Gayunman, ayon kay Bacarro, magpapasalamat na sila sa anumang grasya maging P 7,000 o P10,000 pa ang matanggap na performance bonus ng kasundaluhan sa buong bansa.
Ang mga empleyado sa local government units ay hindi kabilang sa tatanggap ng performance bonus na ito dahil sakop sila ng Internal Revenue Allotment (IRA). (Rudy Andal/Joy Cantos)
- Latest
- Trending