Ranario ligtas na

Pinagbigyan ng Emir ng Kuwait ang pakiusap ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na bigyan ng commutation of sentence ang Pinay worker na si Marilou Ranario na naunang sinenten­syahan ng parusang kamatayan ng isang Kuwaiti court dahil sa pagpatay sa kanyang lady employer.

Nagpasalamat na­man ang Pangulo kay Sheik Sabah al-Ahmad al Sabah dahil sa ibi­nigay na commutation kay Ranario matapos silang mag-usap ka­gabi sa Bayan Palace ng Kuwait.

Ibinaba na lamang ng Emir sa habam­buhay na pagkakaku­long bi­lang parusa kay Ranario at hindi na niya pipirma­han ang hatol na bitay dito.

Kasama ni PGMA sa pakikipag-usap sa Emir ng Kuwait sina Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo, Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bun­ye, Sen. Edgardo An­gara at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales.

Ayon sa Pangulo, ang buhay ng bawat Overseas Filipino ay mahalaga dahil sila ang bagong bayani ng ating lahi.

Magugunita na pi­naigsi ni Pangulong Arroyo ang kanyang siyam na araw na bi­yahe sa Europa upang magtu­ngo sa Kuwait at personal na umapela sa Emir para sa kaso ni Ranario.

Hinatulan ng Court of First Instance si Ra­nario noong Set­yem­bre 28, 2005 ng kama­tayan dahil sa pag­patay nito sa kanyang lady employer na si Najat Mah­moud Faraj Mobarak noong Enero 10, 2005.

Nitong February 17, 2007 ay kinatigan ng Court of Appeals ng Kuwait ang naging ha­tol na kamatayan kay Ranario at nitong November 27 ay kinatigan pa rin ng Kuwait Court of Cassation ang hatol na kama­tayan sa OFW.

Apat sa anim na legal heirs ng biktima kabilang ang ina nito, 2 paternal brothers at isang paternal sister ang lumagda na sa affidavit of forgiveness para kay Ranario ka­palit ng blood money na $320,000 habang ki­ nukumbinsi pa ng mga abugado ni Rana­rio ang  dating  asawa at maternal brother upang lu­magda sa tanazul (affidavit of forgiveness) kapalit ng blood money.

Show comments