Presyo ng krudo, LPG sumirit uli

Ikakasa na sa mga da­ rating na araw ang pam­bansang welgang transpor­tasyon na pangungunahan ng militanteng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) matapos batikusin ng grupo ang panibago na namang round ng 50 sentimos na pagtaas sa presyo ng diesel, ga­solina, kerosene at LPG.

Inumpisahan kahapon ng madaling-araw ng Pili­pinas Shell at Total Philippines ang 50 sentimos kada litro taas sa presyo ng ka­nilang diesel, gasoline at kerosene habang P1 na­man kada kilo o P11 sa isang 11 kg na tangke. Ina­asahang susundan agad ito ng iba pang mga big at small players. 

Paliwanag ng nasabing mga kompanya ng langis, kinakailangan na nilang idagdag ang nasabing ha­laga sa napagkasunduang “weekly installment price hike” ng presyo ng mga nasabing produkto dahil hindi na nila ito kaya pang pasanin kung hindi nila igagalaw ang presyo.

Samantala, ang pag­galaw sa presyo ng cooking gas ay dahil sa under recovery pa na dapat bawiin sa naging pagta­taas sa contract price ng LPG sa international market noong buwan ng Nob­yembre.

Sinabi ni PISTON Secretary General George San Mateo, ang panibagong pagtaas sa presyo ng langis ay nagresulta na sa pag­ palo ng diesel sa P38.50 kada-litro. Ito na ang ika-15 beses nang pagtaas sa halaga ng diesel ngayong 2007 na may kabuuang halagang P7.50.

Hinamon din ni San Mateo ang mga nagpopos­turang presidentiables sa Senado gaya ni Senate President Manny Villar at Senator Mar Roxas na konkretong aksyunan ang kanilang problema kung tunay na serbisyo-publiko ang nais ng dalawang senador.

Nanawagan si San Ma­teo sa lahat ng mga tsuper, operator at mamamayan sa buong bansa na ihanda ang hanay sa takdang araw ng pag-aanunsyo ng PISTON ng kanilang gagawing pambansang welga ng transportasyon ngayong Disyembre. (Rose Tamayo-Tesoro/Edwin Balasa)

Show comments