Nakatakdang magtungo sa Kuwait si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang personal na makiusap sa Emir nito na huwag nang ituloy ang pagbitay sa Pinay na si Marilou Ranario.
Sinabi ni Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye na mula Spain ay magtutungo si Mrs. Arroyo sa Kuwait sa Disyembre 10 upang hilingin kay Emir Sheik Sabah al-Ahamad al-Jaber Al-Sabah na ikunsidera ang naging desisyon ng korte laban kay Ranario.
Inatasan na ni Executive Sec. Eduardo Ermita ang Department of Foreign Affairs na makipag-ugnayan sa Kuwait kung posibleng magkaroon ng audience ang Pangulo sa Emir sa nabanggit na petsa. Pumayag naman ang Kuwaiti government sa ipinadalang sulat ng DFA.
Umaasa naman ang pamilya Ranario na mauuwi ito sa magandang resulta. Huling baraha na umano nila ang pakikipag-usap ng Pangulo sa Emir.
Magugunita na nakipag-usap kay Pangulong Arroyo ang magulang at kapatid ni Ranario sa Malacanang sa Sugbu, Cebu noong nakaraang linggo upang hilingin ang tulong ng Pangulo na maisalba ang buhay ng OFW.
Siniguro naman ni Mrs. Arroyo na gagawin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang matulungan si Ranario.
Hinatulan ng kamatayan ng Kuwaiti court si Ranario noong Enero 2005 dahil sa pagpatay nito sa kanyang among babae.