Posibleng maipagbawal na rin ang pagsakay sa mga pampublikong sasakyan ng mga nakainom o lasing na pasahero.
Ito ay matapos na irekomenda ng Supreme Court (SC) sa Malacañang na ipag-utos ang pagpapasa ng batas na nagbabawal sa lahat ng lasing na pasahero na sumakay sa mga public vehicle.
Ang naturang rekomendasyon ay bunsod sa desisyon ng SC 3rd Division sa panulat ni Associate Justice Ruben Reyes kung saan pinagtibay nito ang hatol na habambuhay na pagkakakulong sa isang akusado sa murder na dahil sa sobrang kalasingan ay nakapatay ng kapwa pasahero sa dyip.
Base sa record ng korte noong Nob. 15, 1998, sumakay na lasing na lasing si Conrado Glino sa isang pampasaherong jeep kung saan nakasakay din ang mag-asawang Virginia at Domingo Boji.
Nagalit si Glino kay Boji nang pagsabihan siya nito na umayos ng pagkakaupo, dahil nasasandalan na nito ang kanyang asawang si Virginia.
Dahilan dito kaya nainis si Glino sa ginawang paninita sa kanya kaya bago ito bumaba ng dyip ay paulit-ulit nitong sinaksak si Domingo sa dibdib na kaagad ikinasawi ng biktima.
Iginiit ni Justice Re-yes na hindi sapat na ang pagmamaneho lamang ng lasing ang ipagbawal kundi maging ang mga pasaherong nakainom ay hindi rin dapat payagang sumakay sa mga pampublikong sasakyan upang maiwasan nang maulit ang naturang insidente.
Malinaw umano na ang pasaherong lasing o nasa impluwensiya ng alak o droga ay may dalang panganib sa iba pang pasahero. (Gemma Amargo-Garcia)