Naghain kahapon ng kasong perjury sa Pasay City Prosecutor’s Office sina opposition Senators Jamby Madrigal at Panfilo “Ping” Lacson laban kay Brig. Gen. Nestor S. Sadiarin, hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Civil Relations Service ng Camp General Aguinaldo, Quezon City na umano’y namuno sa kontrobersiyal na survey laban kay Senator Antonio Trillanes 1V.
Dakong ala-1:50 ng hapon nang magharap ng naturang kaso sina Lacson at Madrigal kay city prosecutor Elmer Mitra laban kay Sadiarin matapos na mag sumite umano ng maling dokumento kaugnay sa kumpirmasyon nito sa Commission on Appointments (CA).
Sa panayam kina Lacson at Madrigal pa ngunahing layunin umano ng kanilang pagsasampa ng kaso sa nasabing heneral ay upang bigyan ng leksiyon ang mga matataas na opisyal ng militar at ng kapulisan para matuto umano ang mga ito na galangin ang Senado.
“Magsisilbing lessons ito sa lahat ng mga haharap sa Senado at hindi dapat na binabastos”, pahayag ni Madrigal.
Si Madrigal ay nagsisilbing minority leader ng CA, habang si Lacson naman ay miyembro ng minority ng makapangyarihang confirmation panel.
Sinabi pa ni Madrigal na hindi matanggap at kayang sikmurain ng buong miyembro ng CA Committee on National Defense ang naging kasinungalingan ni Sadiarin kung kaya’t nagpasya ang komite na ibasura na lamang ang kanyang kumpirmasyon.
Nangangamba din umano si Madrigal sa seguridad nito sa posibleng pag-resbak sa kanya ni Sadiarin.
Magugunita na sa isang pagdinig sa senado, nabatid na hiniling ni Madrigal kay Sadiarin ang orihinal na kopya ng survey form na ipinamahagi nito sa mga service commanders.
Labis na nadismaya umano si Madrigal matapos na isinumite ng naturang heneral ang iba o hindi totoong kopya ng survey sa opisina nito.
Kaugnay nito, kinuwestiyon din ni Lacson kung saan at kanino galing ang pondong ginamit sa survey at ang pagiging konektado sa nasabing hakbangin ni Sadiarin. (Rose Tamayo Tesoro at Malou Esudero)