Liga ng mga Barangay elections pinababantayan sa DILG

Tahasang hiniling kaha­pon ng Kongreso sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na bantayan at imonitor mabuti ang darating na eleksyon ng mga pamu­nuan sa Liga ng mga Ba­rangay sa bansa.

Ayon kay Cong. Hermi­lando Mandanas ng Ba­tangas, at kasalukuyang chairman ng Southern Tagalog Development Committee sa Mababang Kapu­lungan, na kailangan ang pagbabantay ng DILG sa darating na Liga ng mga Barangay election dahil marami nang nakararating na sumbong sa kanyang opisina na ito ay minama­niobra para mabenipisyu­han ang  mga kasaluku­yang nakaupong opisyal dito.

Inihalimbawa ni Man­da­nas ang Marinduque, partikular na ang bayan ng Gasan, na kung saan nag­kakaroon na umano ng maniobra sa sistema pa lamang ng bayaran sa Liga ng mga Barangay dues.

Malinaw sa panuntu­nan ng Liga ng mga Ba­rangay na hindi pwedeng kumandidato ang sino­mang punong barangay na may pagkakautang ng Liga dues o butaw.

Sa report na natanggap ni Mandanas na binigyang sipi ang DILG, ayaw uma­nong tumanggap ng bayad ng kasalukuyang ingat-yaman at ng umano’y pa­ngulo ng Gasan chapter ng Liga na si James Marty Lim ng butaw buhat sa ibang barangay ng naturang bayan.

Ayon kay Punong Ba­rangay Marianito Sena, ng Tabionan, Gasan, napaka­raming dahilan ang ibinibi­gay sa kanila ni Lim at ng ingat yaman nito sa hindi pagtanggap ng kanilang butaw.

“Ilang beses na rin kaming nagpabalik-balik sa bahay at opisina ng aming ingat-yaman at lahat na yata ng dahilan idinahilan na sa amin ni Lim at ang pinakahuli nga nito ay napag-alaman namin na nagbitiw na rin ang kan­yang treasurer,” ani Sena. 

Si Lim na siya ring pa­ngulo ng Liga ng mga Ba­rangay sa buong bansa ay nahaharap umano sa posi­bleng  pagkatalo dahil ma­yorya sa 25 punong ba­rangay sa bayan ng Gasan ay ayaw na sa kanyang liderato.

Napag-alaman na 14 sa 25 punong barangay sa Gasan ay nagpahayag na gusto na nilang palitan si Lim. (Butch Quejada)

Show comments