13 pang convicts sa Aquino-Galman kwalipikado rin sa pardon - Gonzalez

Pabor si Justice Secretary Raul Gonzalez na mapagkalooban din ng pardon ang 13 pang sun­dalong nasangkot sa Aquino-Galman double murder case, katulad ng napalayang kasama nila na si ex-Air Force M/Sgt. Pablo Martinez.

Ayon kay Gonzalez, napagsilbihan na ng mga sundalong naiwan sa New Bilibid Prison (NBP) ang mahigit sa minimum sentence nila kaya kwalipikado rin sila para sa executive clemency.

Sinabi ni Gonzalez, kung hindi man umano umamin ang mga ito ay hindi naman sapat na dahilan na ipagkait sa kanila ang karapatan sa ilalim ng batas.

Hindi umano patas kung hindi mabibigyan ng pagkakataon o kara­ patan na mapalaya ang mga sundalong nakapiit pa kaugnay sa naturang kaso kung hindi man sila mapiga at kung walang dapat aminin.

Naniniwala si Gonza­lez na mababait ang mga nasabing sundalo nang bisitahin niya ito sa kulu­ngan, na isang requirement din upang maging kandi­dato sa pardon ng Mala­kanyang.

Samantala, malabo na rin umanong mabuk­san pang muli ang Aquino-Galman double murder case kahit ibi­nun­­yag ni Martinez ang mastermind ng pag­pa­papatay kay dating Se­nador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Ayon kay Gonzalez, paso na o nagtapos na ang prescribed period para buhayin pa ang kaso kaya imposibleng magka­roon pa ng pani­bagong paglilitis, mali­ban na la­mang aniya, kung may lulu­tang na panibagong suspek sa kaso.

Magiging mahirap din umano ang proseso saka­ling muling buksan ang kaso dahil kaila­ngang mag­paliwanag pa si Mar­tinez kung bakit hindi niya bi­nanggit sa isina­gawang paglilitis sa korte noon ang pagka­ka­sang­kot ni businessman Dan­ding Co­juangco.

Gayunman, sinabi ng kalihim na maaaring buk­san ang paglilitis kung  maibabalik sa pama­magitan ng extradition ang suspek na si Capt. Felipe Valerio, comman­der ng 805th Squadron ng AVSE­COM. 

Nilinaw ni Gonzalez na si Valerio ay hindi na­ha­­tulan at hindi rin naisu­long sa korte ang kaso laban dito. Kasalu­ku­yang nasa Canada si Valerio. (Ludy Bermudo)

Show comments