Sen. Villar nag-warning sa ‘killer toy guns’
Malamang dumami ang kaso ng panghoholdap at iba pang krimen dahil sa pagdagsa sa merkado ng mga replica guns sa panahon ng kapaskuhan.
Ito ang warning ni Senate President Manny Villar sa pagkalat ng mga baril-barilan na kamukhang-kamukha ng mga tunay na armas. Ayon kay Villar, ang ganitong panahon ng pagdiriwang ay may kakambal na pagdami ng mga krimen at hindi nakakatulong ang paglaganap ng baril-barilan. “Mas madaling nagagawa ang krimen gamit ang mukhang tunay na mga baril dahil nabibili ito kahit saan.”
Ani Villar, mismong talaan ng pulisya ang nagsasaad na maraming krimen tulad ng holdapan at kidnapping ang ginamitan ng mga baril-barilan.
Sa isang tiangge malapit sa Senado, ang isang laruan na kamukha ng kalibre .45 pistola ay nabibili sa halagang P150 at ang mga laruang armalite at shotgun ay pwedeng makuha sa presyong P300 hanggang P500, samantala ang rechargeable armalite ay P1,200.
Isa sa mga kawani sa opisina ni Villar ang nakabili ng palyadong Christmas lights mula sa isang kilalang tindahan ng mga libro. Pumutok agad ito ng isaksak sa kuryente.
Sinabi ni Villar na dapat maging maingat ang lahat dahil ang mga palyado at delikadong kalakal ay hindi lamang sa mga bangketa nakakalat kundi maging sa malalaki at sikat na tindahan din.
“Kailangan ngayon na maging mabusisi ang mga mamimili dahil may mga nandaraya ng selyo ng quality control at marka ng import clearance certificate (ICC),” paalala ni Villar.
Inihain ni Villar ang Resolusyon 21 na nagpapakilos sa committee on public order and illegal drugs at committee on trade and commerce para imbestigahan ang pagkalat ng mga “tunay” na baril-barilan, mga dispalinghadong produkto at mga kalakal na banta sa buhay at seguridad ng mga tao. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending