Matapos ang pambobomba, sinibak na ni PNP Chief Director General Avelino Razon ang mga security personnel ng Police Security and Protection Office (PSPO) na nagbabantay sa seguridad sa Batasan Pambansa.
Sinabi ni Razon na lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na nagkaroon ng kapabayaan sa seguridad sa lugar kaya nangyari ang pagsabog.
Ayon kay Razon, alinsunod sa direktiba ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno, ipinag-utos na niya ang pagpapalit ng mga bantay sa Kamara de Representantes at maging sa Senado.
Ang sinibak na mga security personnel ng PSPO sa Batasan Pambansa ay pinalitan ng elite forces mula sa PNP-Special Action Force na pawang naka-full battle gear.
Una rito ay sinuyod na rin ng mga awtoridad kasama ang mga bomb sniffing dogs ang buong bisinidad at loob ng Batasan laban sa posible pang nakatanim na bomba sa lugar. (Joy Cantos)