Saguisag 1-week pa sa ICU
Posibleng mananatili pa ng mga isang linggo sa intensive care unit (ICU) ng Makati Medical Center (MMC) si ex-senator at Atty. Rene Saguisag maging ang driver nito na si Philip Calvario.
Kahapon ay kinumpirma ni Dr. Eric Nubla, spokesman ng MMC, na ang maliliit na blood clot na nakita sa Computerized Tomography o CT scan ni Saguisag ay hindi life-threatening at kusa na lamang umano itong mawawala.
Dahil dito kinumpirma kahapon ni Dr. Victor Alvarez, neuro surgeon at isa sa limang mga espesyalistang doktor ng MMC na umaasikaso kay Saguisag, na hindi na kailangan ni Saguisag ng surgical intervention at mapapadali na rin umano ang paglabas nito sa ICU.
Muli rin binigyang-linaw kahapon ni Nubla na hindi life-support ang nakakabit kay Saguisag kundi respirator lamang upang mas magiging madali para sa dating senador ang paghinga bunsod nang tinamong pagkakabali ng mga tadyang nito.
Samantala, kung maganda ang clinical improvements ni Saguisag ay naging mabagal naman ang kay Calvario na nanatili pa ring nasa kritikal na kalagayan.
Nabatid kay Dr. Nubla na kinakailangang isailalim sa surgical operations si Calvario na nahihirapan pa ring huminga hanggang sa kasalukuyan.
Sa kabilang banda naman, nag-aantay na lamang umano ng “go signal” sa mga doktor o tamang panahon ang mga anak ni Saguisag para sabihin sa kanilang ama ang sinapit ng kanilang ina na si Dulce pati na ang plano sa paghahatid sa ginang sa huling himlayan nito.
Hindi pa rin pinapahintulutan ng mga attending doctors ni Saguisag ang pamilya at mga kaibigan nito na malaman ng una ang pagkamatay ng kanyang misis dahil baka hindi nito makayanan at mapasama pa ang bumubuti nitong kundisyon.
Sa pinakahuling medical bulletin ng MMC, nakakapag-communicate na si Saguisag sa pamamagitan ng pagsusulat, pagtango at pagtuturo sa pamamagitan ng kanyang mga daliri.
Kahapon ng umaga ay muling nagsulat umano si Saguisag at tinatanong kung ano ang kanyang kinalalagyan o kapaligiran, kung ano at para saan ang mga apparatus na nakakabit sa kanya.
Ang nasabing mga senyales ay isang magandang palatandaan na malalampasan ni Saguisag ang kritikal na kondisyon nito. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending



















