Erap ‘di puwede sa 2010
Nanindigan kahapon sina Sens. Panfilo Lacson at Richard Gordon na hindi na maaaring tumakbo sa 2010 presidential elections si dating Pangulong Joseph Estrada.
Ito ang naging posisyon ng dalawang mambabatas matapos na aminin ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na may posibilidad pa ring tumakbo sa darating na halalan ang kanyang ama dahil hindi naman malinaw sa Konstitusyon na pinagbabawalan na siyang tumakbo muli.
“Si President Joseph Estrada, na-restore ang political and civil rights niya. Ang problema reelection, maliwanag sa Constitution pag na-elect ka na di ka na puwede tumakbo for reelection for President or Vice-President,” paliwanag ni Lacson.
Ipinaliwanag ni Sen. Estrada na “gray area” ang sinasabing prohi bition sa pagtakbo muli ng nahalal na Pangulo ng bansa dahil sa kaso ng kanyang ama ay hindi naman nito natapos ang kanyang termino.
Ngunit ayon naman kay Gordon, chairman ng Senate committee on constitutional amendments, revision of codes and laws, basta’t sinabi ng Konstitusyon na hindi na eligible for reelection ang nanalong presidente ay hindi na talaga maaaring makatakbo muli si Estrada kahit na tatlong taon lamang itong nakapagsilbi nang mapatalsik sa people power noong Enero 2001.
Kung ipagpipilitan umano ito ng mga Estrada, posibleng umakyat sa Supreme Court (SC) ang usaping ito.
Nagkaroon ng kulay ang pag-iikot ni Estrada sa mga balwarte nito para sa kanyang pro-poor program, dahil parang preparasyon umano ito sa muling pagtakbo niya. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending




















