Iginiit kahapon ng Malacañang na dapat imbestigahan at kasuhan si Nueva Ecija Rep. Amelita Villarosa ng Kampi dahil sa pag-amin nitong siya ang nag-abot ng cash gift sa dalawang kongresista at mula daw ito sa pondo ng Kampi.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Sergio Apostol, nahihiwagaan din siya kay Rep. Villarosa na kapartido pa naman ni Pangulong Arroyo sa Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi) sa pananahimik nito ng mahabang panahon kaugnay sa isyu at makalipas ang isang buwan ay saka ito nagsalita.
Wika pa ni Sec. Apostol, kung wala namang masasabing maganda at mayroong laman si Rep. Villarosa ay mas makakabuting manahimik na lamang siya.
Sa panig naman ni Villarosa, nakahanda raw siyang humarap sa anumang imbestigasyon upang malinawan lamang ang naturang isyu.
Sinabi ni Villarosa na siya ang nagbigay ng pondo bilang “assistance” kina La Union Rep. Romas Dumpit Jr. at Manila Rep. Bienvenido Abante.
Winika ni Villarosa na alam daw nina Sec. Puno at Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, chairman ng Kampi, ang pamimi gay ng cash gift noong October 11 sa Malacañang matapos ang breakfast meeting ng mga local officials at mambabatas kay Pangulong Arroyo.
Ikinagulat naman ni DILG Secretary Ronaldo Puno, pangulo ng Kampi, ang ginawang pahayag ni Villarosa na kasama niya sa partido.
“Tinawagan ni Sec. Puno si Villarosa at tinanong kung bakit nagsalita ito ng ganun. Sa aming pagkakaalam ay nanggaling sa tanggapan ni Speaker de Venecia ang nasabing cash gift at hindi sa Kampi,” wika pa ni Asec. Brian Yamsuan. (Rudy Andal/Butch Quejada)