Erap ‘nangampanya’ sa Tondo

Tila hindi pa rin ku­mukupas ang karisma sa mahihirap ni dating Pa­ngulong Joseph Estrada nang mainit pa rin siyang salubungin kahapon ng mga taga-Tondo kasabay ng kanilang isinagawang medical mission sa Vitas at Smokey Mountain.

Mistulang isang “mi­ting de avance” ang na­ganap na medical mission kung saan nag-motorcade pa si Estrada sa palibot ng Tondo kasama ang kani­ yang maybahay na si dating Senador Loi Ejercito at mga anak na sina Sen. Jing­goy Estrada at San Juan Mayor JV Ejercito.

Kasama rin niya sa “pangangampanya” sina Manila Mayor Alfredo Lim, Makati Mayor Jejo­mar Binay at dating Sena­dor Ernesto Maceda.

Ayon kay Lim, layunin ni Estrada na magsimula nang magbigay ng iba’t ibang serbisyo sa mga mahihirap na matagal din nitong hindi nagawa bun­sod na rin ng pagka­kapiit nito sa Tanay, Rizal sa loob ng anim na  taon.

Sinabi ni Lim na ma­rami sa mga residente sa Tondo ang hindi nabigyan ng sapat na medical services kung kaya’t marami ring mga residente dito partikular na ang mga bata ang may sakit at walang sapat na bitamina sa katawan.

Nabatid pa kay Lim na magiging buwanan din ang kanilang libreng gamutan upang namo­mo­nitor ang kalusugan ng mga nakatira dito.

Mabilis din namang sinabi ni Estrada na hu­wag sanang bigyan ng kulay ang kanilang pag­tulong dahil ito ay ganti lamang sa suportang ibinigay sa kanya ng mga mahihirap.

Aniya, isasagawa din nila ang medical mission sa iba pang lugar sa Metro Manila na kanya na ring tulong sa pamahalaan na mabigyan ng serbisyong medikal ang publiko.

Idinagdag pa ni Es­ trada na panahon na upang magtulungan at isantabi na ang mga personal interest dahil mis­mong ang publiko ang talo.

Ito ang unang pagka­ka­taon na nakiharap si Erap sa mga residente ng Tondo mula ng siya’y lu­maya.

Nagbigay pa ng kaun­ ting mensahe sa kanyang mga tagasuporta ang dating pangulo at binigyang-diin na hindi siya “guilty” sa kasong pandarambong na ibinibintang sa kanya.

“Hindi ko kayo maa­aring iiwan anuman ang mangyari. Kung sakali mang  tinanggap ko ang pardon na iyan hindi na­ngangahulugang ako ay umaamin ng  kasalanan. Wala po akong kasala­nan,”  pahayag pa nito.

“Kung may pagkaka­mali man ako sa aking panunungkulan bilang Pangulo, yang pagnana­kaw ay hindi po kasali iyan. Korapsyon ay hindi po kasali iyan. Ni isang kusing po wala akong ninakaw sa ating ka­bang-bayan,” dagdag pa niya.

Show comments