JDV sisimulan na ang panunuyo
Sinabi ni Nueva Viscaya Rep. Carlos Padilla na planong ipatawag ni House Speaker Jose de Venecia Jr., ang kanyang mga galamay para sa isang caucus upang pag-usapan ang tangkang pagpapatalsik dito bilang House Speaker sa Kamara.
Ayon dito, style ni de Venecia ang manuyo sa mga kongresista para hindi siya mapatalsik sa puwesto kaya gumagawa ito ng paraan para manatili pa sa posisyon.
Sinabi pa ni Padilla, sinusuyo ni de Venecia ang ilang mga kongresista na bibigyan ng mga magagandang puwesto sa Kamara para lamang mahawakan nito ang pagka-Speakership.
Isa sa mga ginawa raw ni de Venecia ay ang pagbibigay umano ng P200,000 cash bonus sa bawat kongresista para magkaroon lamang ng quorum para pag-usapan ang 2008 national budget.
Gayunman, sinabi ni Rep. Boy Nograles na hindi magbabago ang liderato ng Kamara sa Lunes sa pagbubukas muli ng Kongreso.
Si Nograles ang sinasabing isa sa mga gustong ipalit kay de Venecia ng mga kaalyado nila sa Kongreso.
Sinabi ni Nograles, malabong iwanan de Venecia si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kahit na nagkaroon ng alitan ito kaugnay sa ZTE broadband deal.
“Malabong mag-iwanan ang mga ito dahil malalim ang kanilang pinagsamahan,” ani Nograles.
Ayon naman kay Executive Secretary Eduardo Ermita, tsismis lamang ang nasabing balita at hindi dapat siniseryoso.
“Kuro-kuro lang ‘yan ng isang tao, huwag natin masyadong bigyan ng halaga,” sabi ni Ermita.
Mas makakabuti aniyang abangan na lamang kung ano ang mangyayari at iwasan ang mga espekulasyon.
Sinabi pa ni Ermita na bagaman at may karapatan ang lahat ng maghayag ng kanyang sariling opinyon, hindi naman nangangahulugan na ito ay tama.
Napaulat na balak sipain ng mga congressmen na kaalyado ng Palasyo si de Venecia dahil na rin sa nangyayaring hidwaan sa pagitan ni Pangulong Arroyo at ni JDV.
Nag-ugat ang lamat sa relasyon ng dalawa matapos iugnay ng anak ni de Venecia na si Jose “Joey” de Venecia III si Pangulong Arroyo at asawa nitong si First Gentleman Mike Arroyo sa nabigong $329.48 milyon national broadband network project na ibinigay ng gobyerno sa ZTE Corp. ng China.
Ibinunyag pa ng batang de Venecia na nagpursige ang Unang Ginoo na matuloy ang kontrata dahil napangakuan umano ito ng $70 milyon. (Butch Quejada/Malou Escudero)
- Latest
- Trending