Umapela ang Malacañang sa mga kritiko sa ginawang pagtatalaga ni Pangulong Arroyo kay Moslemen Macambon bilang bagong commissioner ng Commission on Elections (Comelec) na bigyan muna ito ng pagkakataon.
Sinabi ni Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, sang-ayon sa naging commitment ni Pangulong Arroyo sa GRP-Moro National Liberation Front (MNLF) agreement ay magtatalaga ang Pangulo ng isang Muslim sa gobyerno.
Ayon kay Bunye, dapat ay hayaan muna si Macarambon na maipakita ang kanyang pagtatrabaho bago siya husgahan ng kanyang mga kritiko.
Si Macarambon ay isang trial judge sa loob ng 18 taon bukod sa isa itong law professor na inirekomenda sa Pangulo ni dating Chief Justice Hilario Davide.
“In the interest of fair play, we appeal to critics to refrain from shooting first and asking questions later in the matter of appointment of Macarambon to Comelec,” wika pa ni Bunye.
Magugunita na siniguro ni Sen. Panfilo Lacson na haharangin niya ang confirmation ni Macarambon sa Commission on Appointment (CA) dahil sa bata raw ito ni dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Iginiit naman ng Palasyo na kapag hinarang ang appointment ni Macarambon ay muli lamang itong ia-appoint ni Pangulong Arroyo.
Mariing itinanggi naman ni Macarambon na “bata” siya ni Garci at iginiit na hindi niya kakilala ang nasabing dating opisyal.
Sinabi pa ni Macarambon, dapat ay bigyan muna siya ng pagkakataon ng oposisyon na maipakita ang kanyang pagtatrabaho bago siya husgahan.
“I have been a very strict judge for the last 18 years. They (CA members) will ask questions and I will answer them all,” sabi pa ni Macarambon. (Rudy Andal)