Ipinasa na ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno sa Kamara at Senado ang desisyon sa panukala ng ilang sektor na buwagin na ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections dahil hindi na umano ito kapaki-pakinabang.
Sinabi ni Puno na wala sa kanila ang desisyon bilang “executive branch” ng pamahalaan kundi nasa mambabatas dahil kailangang sumailalim sa paglikha ng batas ang pagbuwag sa naturang eleksyon.
Tinutuligsa ang nagaganap na barangay elections dahil kaakibat umano nito ang karahasan na nauuwi sa pagkamatay ng ilang opisyal at kandidato, pag-abuso sa kapangyarihan at pag gastos ng malaki ng mga kandidato manalo lang.
Sa halip na magkaroon ng eleksyon, kasama sa panukala ang “appointment” na lamang ng alkalde ng isang bayan o lungsod sa magiging lider ng barangay upang maiwasan na ang kara hasan.
Pinag-aaralan na rin ng Senado ang panukala na italaga na lamang ang mga susunod na opisyal ng SK dahil na rin sa mga feedbacks na wala namang nagagawa ang nasabing youth organization sa kani-kanilang komunidad.
Sa pahayag ni Sen. Aquilino Pimentel Jr., nagiging dahilan umano ng korupsyon sa murang isipan ng mga kabataang lider ang maagang pagsabak sa politika dahil sa nagagamit lamang ang mga ito ng mas matatandang politiko sa kanilang lugar.
Marami na umano ang nakakapuna na hindi naman nakikilahok sa mga pag-uusap na may kinalaman sa local governments ang mga kabataan.
“Many of them are studying and they are forced to leave their barangays to attend to their schooling in the poblacion, and some other distant places. Thus, they neglect their official functions,” sabi ni Pimentel.
Marami na rin umano ang nababahala sa mga hindi magandang kalakaran kung saan nagiging kuwestiyonable ang paghawak ng public funds para sa mga SK.
Bagaman at pabor si Pimentel sa paglusaw ng SK, dapat aniya’y magkaroon ng alternative mechanism upang magkaroon ng kinatawan ang mga kabataan sa gobyerno.
Dahil dito, posibleng ang idinaos na barangay at SK polls nitong Oktubre 29 sa 43,000 barangay sa bansa ang maging pinakahuling halalan.
Sinabi naman ni Puno na ang nakalipas na halalan ang pinakamapayapa na naganap sa bansa. Kumpara sa Barangay elections noong 2002, 30 prosyento lamang ang naitalang krimen ngayong halalan.
Noong 2002, nasa 70 katao ang nasawi kumpara sa naitalang 27 ngayong eleksyon.