Nagkainitan ang mga security aide ni dating Pangulong Joseph Estrada at mga miyembro ng media matapos na maging marahas ang mga una dahil sa ginawang paghihigpit sa pagbabantay ng mga ito sa dating lider kamakalawa ng gabi.
Nag-ugat ang kaguluhan dakong alas-7 ng gabi habang papalabas ng San Juan Medical Center ang dating pangulo matapos na bisitahin ang kanyang inang si Dona Mary.
Nagpuntahan ang mga taga-media na kinabibilangan ng mga foreign at local press photographers, broadsheet reporters at mga cameraman ng telebisyon upang makakuha ng larawan at mga footages at interview kay Erap.
Subalit laking gulat ng mga grupo ng media ng bigla na lang silang ipagtabuyan ng mga security personnel ni Estrada at pinagbawalang makakuha man lang ng litrato o footages.
Dahil dito, umalma ang mediamen at nakipagtulakan na rin sa mga security ni Erap na humantong sa sigawan at murahan ng dalawang panig.
Natigil lang ang kaguluhan ng magsialisan ang security group sa ospital at iniwan ang mga galit na galit na mga mamamahayag at press fotogs.
“ Grabe para naman kaming busabos kung ipagtulakan ng mga security personnel ni Erap, parang sasaktan namin ‘yung binabantayan nila kaya ganun na lang ang ginawa sa amin,” pahayag ng isang babaeng broadsheet reporter na isa sa mga nagtiyagang mag-antay sa labas ng bahay ng mga Estrada sa Polk st. sa Greenhills, San Juan mula pa tanghali upang makapag interview sa dating pangulo.
“Tanghali pa kami sa labas ng bahay ni Erap nag-aantay baka magpa-interview si Erap, yun pala ayaw na munang magbigay ng interview, sana sinabi nila ng maaga para hindi na kami umasa pa sa wala,”pahayag ng reporter.
Ayon naman kay Angel Gonong, isa sa mga media officers ni Estrada, ayaw umano ng dating pangulo na magpaistorbo ng buong weekend dahil inaasahan niyang magsisidatingan ang kanyang pamilya para bumisita.
Idinipensa pa ni Gonong na pawang mga bago ang mga ito kaya ganoon na lang ang higpit sa ginawang seguridad para sa pangulo. (Edwin Balasa)