GMA nanawagan ng pagkakaisa

Matapos ang malagim na pagsabog sa Glorieta mall kamakalawa, nana­wagan kahapon si Pangu­long Gloria Arroyo sa mga Filipino na magkaisa at huwag hayaan ang teroris­mo na makaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Inamin ng Pangulo na nahaharap ang bansa sa problema ng terorismo, pagtaas ng presyo ng la­ngis at awayan sa pulitika.

“Kaharap natin ngayon ang mga bagong sagabal sa paglakas ng ating eko­nomiya, ang terorismo, ang pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado, at patuloy na ligalig sa pulitika,” sabi ng Pangulo sa kanyang opening statement sa command conference sa Camp Crame, Quezon City kahapon ng umaga.

Nanawagan din ang Pangulo sa publiko na panatilihin ang suporta sa gobyerno at huwag sumu­nod sa mga magsasaman­tala sa sitwasyon upang magkaroon ng destabili­sas­yon ang bansa.

“Laban sa kanila, ka­ilangang tibayin natin ang loob, magkapit-bisig, mag­sikap at magsakripisyo, at huwag magpadala sa mga nagbubunsod ng gulo, takot at hidwaaan. Sa halip, sama-sama tayong mag­matyag sa mga banta at balakid, at patuloy na lu­mik­ha ng yaman at trabaho para sa bayan,” anang Pangulo.

Naniniwala ang Pa­ngulo na malalampasan ng bansa ang nangyaring trahedya nang pambo­bomba.

Bago ang Glorietta bombing sa Makati City noong Biyernes, nahaha­rap ang Pangulo sa impeachment complaint at nanawagan ang ilang Obispo ng Simbahang Ka­toliko at ilang senador na bumaba na siya sa pu­westo.

Naging malaking isyu rin ang sinasabing pami­migay ng suhol ng Mala­canang na inamin ng ilang gobernador at congressmen na nakatanggap ng pera. (Malou Escudero)

Show comments