Nakatanggap kahapon ng pagbabanta na pasasabugin ang tatlong pagamutan sa Makati City kung saan dinala ang mga sugatan at mga binawian ng buhay sa naganap na Glorietta 2 Mall blast kamakalawa ng hapon.
Ang mga ospital ay kinabibilangan ng Makati Medical Center, Ospital ng Makati sa Ayala at Ospital ng Makati sa Pembo. Dito dinala ang 113 sugatan at ilan sa 9 na binawian ng buhay.
Ayon kay Makati City Councilor Junjun Binay, ang bomb threat ay ginawa sa pamamagitan ng tawag sa telepono dakong alas-8 ng gabi, anim at kalahating oras matapos ang pagpapasabog sa Glorietta 2 Mall.
“Ikinokonsidera namin na ang pagbabantang ito ay seryoso sa pagkakataong ito dahil nais naming matiyak ang seguridad ng mga pasyenteng dinala rito,” ayon sa batang Binay na anak ni Makati City Mayor Jejomar Binay.
Sa pahayag naman ni NCRPO Director General Geary Barias, isang pagbibiro lamang ang pagbabanta na kadalasang nangyayari sa mga ganitong uri ng trahedya. Dagdag ni Barias na bagama’t wala silang natatanggap na intelligence report na susunod na pasasabugin ang nabanggit na mga ospital pagkatapos ng Glorietta 2 mall, tiniyak ng heneral na bibigyan nila ng seguridad ang mga ito at iba pang mall sa Metro Manila.
Nabatid na hindi lamang ang kapulisan ang kaagad na itinaas sa red alert pati na rin ang military sa buong Metro Manila. Ayon kay Barias, karagdagang pulis ang kanyang ipinakalat partikular na sa Special Action Force at mga sundalo sa iba’t ibang mall, mga daungan, bus terminals, LRT, MRT at paliparan.(Rose Tamayo-Tesoro)