Matapos ang isang malakas na pagsabog at pagyanig sa ground floor ng 2nd level ng Glorietta Mall isang nakakahilakbot na tanawin ang nasak sihan ng mga nagulantang na mamimili nang makita nila ang nagkalat na duguang katawan ng tao.
Sa ginawang imbestigasyon ni Supt. Gilbert Cruz, hepe ng Makati police sa mga taong kasalukuyang nasa loob ng mall dakong ala-1:30 ng hapon kung saan naganap ang pagsabog sa Luk Yuen Noodle House, isang malakas na pagsabog ang bigla na lang nilang narinig at kitang kita nila ang paghagis ng katawan ng mga tao na nasa loob ng restaurant kung saan nanananghalian ang mga ito.
Nagkalat ang mga duguang katawan ng tao ang iba ay halos magkagutay-gutay dahil sa naganap na pagsabog habang ang iba ay palahaw at iyakan ang ginawa para makahingi ng saklolo.
Subalit ang paghingi ng tulong ng mga sugatan ay parang hindi na rin alintana ng mga taong nasa loob ng mall dahil sila man ay nagkanya-kanya ng takbuhan upang iligtas ang kanilang mga sarili.
Makalipas ang ilang minuto ay isa-isa ng nagdatingan ang mga ambulansya ng Makati Medical Center at Ospital ng Makati upang dalhin ang mahigit sa 90 kataong nasugatan sa pagsabog.
Ayon naman sa ilang mga mamimili na nasa ika-tatlong palapag ng mall ay akala nila ay isang malakas na lindol ang kanilang naranasan matapos ng pagsabog dahil sa pag-uga ng gusali.
Ang nasabing pagsabog ay lumikha ng isang malaking butas sa ground floor ng mall tanda ng isang malakas na bomba ang ginamit ng hinihinalang terorista. (Edwin Balasa)