Seat belt law mahigpit na ipapatupad
Dahil sa napakaraming lumalabag sa batas, hiniling ni Senate President Manuel Villar Jr. sa Land Transportation Office (LTO) at mga local government units (LGU’s) ang mahigpit na pagpapatupad ng Seat Belt law para na rin sa kapakanan ng mga motorista at commuters.
Naalarma si Villar sa istatistika na ipinalabas ni LTO Chief Reynaldo Berroya kung saan aabot sa 1,070 ang nadakip na mga motorista , 340 dito ay lumabag sa RA 8750 o Seat Belt Use Act of 1999. Sa ilalim ng na banggit na batas, papatawan ng kaparusahan ang mga tsuper, operator, may-ari ng sasakyan pati ang mga manufacturer, assembler, importer at distributor ng mga sasakyan na hindi tumatalima sa paglalagay at paggamit ng seat belt.
Sa seksyon 4 ng batas, ang nagmamaneho at ang pasahero sa unahan ng pampubliko o pribado mang sasakyan ay obligadong gumamit ng kanilang selt belt habang umaandar ang sasakyan.
Sa mga pampasaherong sasakyan, ang tsuper ang magpapaalala sa pasahero na gumamit ng seatbelt. Ang pasahero na tatanggi na gumamit nito ay kailangang pababain.
Nakatadhana sa batas na pagmumultahin ng P250 ang mga motorista para sa unang paglabag; P500 sa ikalawang paglabag at P1,000 sa ikatlong paglabag kasama ang isang linggong suspensyon ng lisensya. May bukod pang P300 multa para sa tsuper na hindi magpapaalala sa kaniyang pasahero na gumamit ng seat belt.
Ipinagbabawal din sa batas ang pagpapaupo sa unahan ng sasakyan ng mga batang anim na taong gulang pababa. (Maluo Escudero)
- Latest
- Trending