Mga sundalo sa Sulu at Basilan bibisitahin ni Pacman
Nakatakdang bisitahin ni boxing champ Manny Pacquiao ang mga sundalo na nasa “frontline” ng giyera laban sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan matapos ma-promote bilang reservist Army Master Sergeant.
“Next month, I will visit Jolo and Basilan to show my support for our soldiers there,” ani Pacman.
Umaasa si Pacquiao na magsisilbi siyang inspirasyon para higit pang maging matapang at lalong maging determinado ang mga sundalo.
“Pangarap ko talagang maging sundalo, sa wakas natupad na rin, isa na akong reservist na Master Sergeant at ako’y talagang tuwang-tuwa,” sabi ni Pacquiao.
Dahil isang undergraduate si Pacman ay hindi ito maaring ma-promote sa susunod na ranggo maliban na lamang kung tapusin nito ang balak na pag-aaral sa kolehiyo. Ito ang ikalawang promosyon ni Pacman. Nang manalo siya kay Mexican boxer Erik Morales noong Hunyo 2006 ay na-promote siya mula Sergeant ay naging Technical Sergeant. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending