Pinayagan muli ng Sandiganbayan si dating Pangulong Joseph Estrada upang mabisita ang kanyang may sakit na ina na si Doña Mary Ejercito sa Lunes, Oktubre 8.
Ikalawang pagkakataon na itong pinayagan ng anti-graft court si Estrada na makadalaw sa kanyang ina makaraang siya ay masentensiyahan ng guilty sa kasong plunder.
Huli nitong binisita ang kanyang ina noong Setyembre 29.
Ang 102 gulang na nanay ni Erap ay sumasailalim sa masusing pagbabantay ng mga doktor dahil sa kumplikasyon sa kanyang sakit at nilagyan na ng tubo sa bibig nito dahil nahihirapang huminga.
Ayon sa mga doktor ng pamilya Estrada, ginagawa naman nila ang lahat para humaba pa ang buhay ni Doña Mary bagamat problema anya ay ang katandaan na nito kayat kailangang bantayang mabuti. (Angie dela Cruz)