Muntik ipaaresto kahapon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang isang staff ni Sen. Jamby Madrigal dahil sa maingay na cellphone nito.
Nag-init ang ulo ni Sen. Santiago habang isinasagawa ang pagdinig kaugnay sa JPEPA, ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Japan nang marinig nito ang tunog ng cellphone ng Media Relations Office (MRO) ni Madrigal na si Nora Deuna.
Tahasang sinabi ni Santiago na galit siya sa mga taong dumadalo sa kanyang pagdinig na hindi nagsa-silent mode ng kanilang cellphone.
Nasa likod lamang ng dalawang senadora si Deuna kaya dinig na dinig ni Santiago ang ‘ringing tone’ nito.
Agad na ipinag-utos ni Santiago na hanapin kung sino ang may hawak ng tumunog na cellphone dahilan para mamutla ang MRO ni Madrigal.
Tumayo si Deuna at lumipat ng puwesto sa mga lugar ng Senate media dahilan para sitahin naman ito ng ilang mediaman dahil baka ang pagbintangan ni Santiago ay mga mamamahayag.
Napilitang lumabas kaagad ng Recto at Laurel room si Deuna kung saan ginaganap ang JPEPA hearing.
Ayon sa source, ‘inarbor’ na lamang umano ni Madrigal kay Santiago si Deuna para hindi na ito tuluyang ipa-contempt.
Magugunitang ipinag-utos kamakailan ni Santiago na isara ang main entrance ng Recto Room kung saan isi nagawa ang isang budget hearing dahil labis umano siyang nadi-distract sa mga taong naglalabas-pasok kuwarto.
Nauna nang ipinaliwanag ni Santiago na dapat igalang ng mga bisita ang mga Senate hearing bagaman at inamin rin nito na dumadanas siya ng “chronic fatigue syndrome”. (Malou Escudero)