Pinayagan ng Sandiganbayan si dating Pangulong Joseph Estrada na mabisita ang kaniyang ina na si Dona Mary sa pagamutan sa San Juan.
Sampung oras ang ibinigay kay Estrada ng Sandiganbayan o mula ngayong alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para makapiling ang kanyang ina na nasa hindi magandang kalagayan sa San Juan Medical Center.
Sinabi ni Sandiganbayan Sheriff Ed Urieta na sa ibinabang resolusyon ng Sandiganbayan Special Division, tanging sa nabanggit na pagamutan lamang kailangang manatili si Estrada.
Gayunpaman, nakasalalay pa rin aniya sa magiging sitwasyon ni Dona Mary ngayong Sabado ang pahintulot ng Anti-Graft Court kung kailangang mag-extend si Estrada para makasama ang ina.
Sa panig ng dating Pangulo, nais umano sana nitong makarating sa naturang pagamutan sa pinaka-mabilis na paraan ng transportasyon upang hindi masayang ang mga oras na makapiling nito ang ina.
Katulad ng mga dating kondisyon ng korte, bawal ang media interviews kay Erap, bagaman sa mga nakalipas na karanasan, nakalulusot pa rin ang bagay na ito.
Tiniyak naman ng Sandiganbayan sheriff’s office at ng PNP-Police Security Protection Office na mahigpit nilang babantayan si Estrada.
Una nang sinabi ni Urieta noong ibaba ng anti-graft court ang hatol na guilty kay Erap sa kaso nitong pandarambong na sakaling hilingin ni Estrada na makita ang may sakit na ina kahit pa convicted na ito at mas hinigpitan ang seguridad, hindi ipagkakait ng korte na makasama ni Erap ang ina nitong may sakit. (Butch Quejada/Angie dela Cruz)