Galit na nilisan ni Senator Miriam Defensor-San tiago ang hearing kahapon ng Senado sa kontrobersiyal na national broadband network (NBN) contract dahil nakakaladkad lamang umano ang Mataas na Kapulungan sa pinag-aawayang “kickback”.
Sinabi ni Santiago na hindi siya pabor sa isinasagawang imbestigasyon dahil may mas dapat pagtuunan ng pansin ang Senado katulad ng pagdinig sa 2008 national budget at ang pagratipika sa JPEPA o ang tratado sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Naniniwala si Santiago na hindi na dapat makaladkad ang Senado sa pag-aagawan umano sa kickback mula sa isang legal at lehitimong proyekto ng gobyerno katulad ng NBN.
“Pinag-aawayan ni’yo lang kickback nyo. Inaaksaya ni’yo lang ang oras ng Senado,” galit na pahayag ni Santiago sabay tayo at saka lumabas ng plenaryo.
Pinuna din nito na karamihan naman sa mga senador ay walang legal at trial background kaya hindi ang mga ito dapat magsilbing prosecutor sa imbestigasyon.
Tahasang sinabi ni Santiago na nag-aalburuto lamang si Joey de Venecia dahil na-double crossed ito sa kontrata.
“Na-double crossed siya eh kaya siya galit. But they were all initially part of a criminal conspiracy…to earn money illegally from a legitimate project,” pahayag ni Santiago.
Pero idinagdag nito na naniniwala siya sa kredibilidad ni Neri na isa umanong academician at wala namang kinalaman ang kanyang opisina sa pagbibigay ng kontrata. Ang tanging ginagawa lamang umano ng NEDA ay ang magsagawa ng theoretical at academic studies kaugnay sa isang proyekto. (Malou Escudero)