Baon sa utang ang mga kampo ng militar sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas dahil hindi ito nagbabayad sa ginagamit nilang kuryente na umaabot na sa P200 milyon pati interes.
Sa ginanap na budget hearing ng Defense Department sa Kamara, sinabi ni APEC partylist Rep. Edgar Valdez na hindi biro ang utang na ito ng militar kaya naman hiningi na ng mambabatas ang aksiyon ni Defense Secretary Gilbert Teodoro hinggil sa problema.
Pinuna rin ng kongresista na ang mga pribadong sektor o kumpanya ay nagbabayad ng kuryente samantala sila na may budget para rito ay ayaw magbayad.
Ayon kay Valdez, sinulatan niya si dating AFP chief Generoso Senga tungkol dito at nangako ang huli na magbabayad pero nagretiro na ang heneral kaya hanggang ngayon ay naiwan ang utang na nakatiwang-wang.
Sinabi naman ni Sec. Teodoro na siya na mismo ang aaksyon para maayos ang utang sa mga electric cooperative.
Samantala, inisnab at hindi sinipot ni Comelec Chairman Benjamin Abalos ang pagdinig sa House Appropriation sub-committee hinggil sa panukalang pondo ng komisyon sa 2008.
Sinabi ni Comelec Executive Director Pio Joson na abala at naghahanda si Abalos sa gagawin nitong pagsalang ngayon sa Senado para bigyan linaw ang problema sa ZTE- National Broadband Network deal.
Hindi rin dumalo sa House hearing ang ibang commissioner. (Butch Quejada)