Pulis gagawing asintado ni Razon
Upang hindi pumalpak sa pagtarget sa nakakasagupang mga elementong kriminal, gagawing asintado sa pagbaril ni incoming Philippine National Police (PNP) Chief Deputy Director General Avelino Razon Jr., ang mga pulis.
“Responsibilidad ng ating mga police na maging sanay at maging dalubhasa sa paghahawak ng baril. Hindi puwedeng yung baril ay parang display lamang at kung kelan nasa aksiyon ay dun pa lang nila gagamitin at walang pagsasanay na nangyari,” ani Razon sa mediamen.
Ang hakbang ay matapos na mapaulat na marami sa mga pulis ang palpak sa pagbaril kaya may nadadamay na mga sibilyan sa kanilang mga isinasagawang anti-criminality campaign.
Si Razon, Philippine Military Academy (PMA) Class 1974, ang nahirang ni Pangulong Arroyo kapalit ni Calderon na magreretiro sa darating na Oktubre 1 pagsapit sa mandatory age retirement na 56 anyos.
Sinabi ni Razon na upang maging asintado ay oobligahin niya ang mga pulis na sumailalim sa taunang ‘proficiency training’ sa pagbaril hindi lamang sa maiikling uri ng armas, kundi maging sa mga rifles at shotgun.
Ayon kay Razon, ibig niyang higit pang maging epektibo para mapalapit sa puso ng mamayan ang kapulisan kaya importanteng maging dalubhasa ang mga ito sa paghawak at pagpapaputok ng baril.
“ Para sa panunungkulan nila sa pagtanggol sa ating mga mamamayn ay marunong silang gumamit nitong defense weapon na firearm at hindi sila makakasugat o makaka-aksidente ng bystanders o yung hindi nila intended targets,” ang sabi pa ng incoming PNP Chief.
Magugunita na sa ilang mga insidente ng palpak na operasyon ng PNP bunga ng kakulangan ng kasanayan sa paghawak ng armas sa halip na mga holdaper ang mapatay ay mga inosenteng sibilyan ang naging biktima na ayon kay Razon ay sisikapin nilang maiwasan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending