Doble nilaglag ng tunay na misis
Kinontra ni Arlene Doble ang ilang testimonya ng kanyang asawang si dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) agent Vidal Doble sa pagpapatuloy kahapon ng hearing ng Se nado sa “Hello, Garci” scandal kung saan hindi sumipot ang kanyang mister.
Sinabi ni Arlene na taliwas sa sinasabi ng kanyang asawa, hindi umano sila kinidnap at mismong ang mister niya ang humingi ng tulong sa ISAFP para dalhin siya at ang kanyang mga anak mula Kidapawan,
Ayon pa kay Arlene, hindi sila ikinulong ng ISAFP sa Camp Aguinaldo, dahil malaya silang nakakalabas sa compound nang sila ay tumira roon mula Hunyo 2005 hanggang Marso 2006.
Inihayag din ni Arlene sa Senado na bago pa man maganap ang wiretapping scandal, noong 2001 ay hindi na sila nagsasama ni Doble na kinasuhan niya ng abandonment at lack of support noong 2004.
Pero noong Hunyo 11, 2005, nakatanggap uma no siya ng text message mula sa asawa na nagsasabing magpatulong siya kay Sgt. “Mac” Macasio na naka-assigned sa MIG12 ng ISAFP sa Kidapawan at pumunta silang mag-iina sa Maynila.
Mismong si Doble uma no ang nagpatulong sa ISAFP para dalhin siya at ang kanyang anak patungong Maynila mula naman sa Kidapawan taliwas sa sinabi ng dating ahente na dinukot sila ng mga dati niyang kasamahan sa ISAFP matapos na pumutok ang isyu.
Inamin din ni Arlene nang tanungin siya ni Sen. Richard Gordon na maliban pa sa kanya, may iba pang babae si Doble, at pangatlong ‘asawa’ lamang nito si Marietta Santos.
Nalaman din umano ni Arlene ang tungkol sa P2 milyon na natanggap umano ni Doble at P50,000 na lamang ang kanyang natanggap taliwas sa pahayag ni Doble na binigyan siya nito ng P250,000.
Umapela din si Arlene sa kanyang asawang hindi sumipot sa hearing na tigilan na ang pagkaladkad sa kanyang pangalan bilang legal na asawa dahil ibang babae naman umano ang palaging kasama nito.
“Kung tutuusin, iba ang kasama niya…until now hindi pa po niya kinakausap ang mga anak ko,” sabi ni Arlene.
Dumating naman bilang resource persons, tulad nina dating Senador Sergio Osmena III; Makati Mayor Jejomar Binay, Atty. Oscar Orbos, Mr. Don Remo, actor Rez Cortez at ang mga representante ng Globe at Smart Communications na sina Atty. Rodolfo Salalima, SVP; Atty. Froilan Castelo, head of regulatory affairs (Globe) at Atty. Eric Español, head ng Legal Department of Smart.
Itinanggi ng mga taga-Smart at Globe na gumagawa sila ng ‘wiretapping’ na operasyon, tulad ng akusasyon ni Doble. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending