Ang pagsuway sa traffic signs ang may pinakamataas na bilang ng paglabag na ginagawa ng mga pasaway na drivers sa Quezon City.
Ito ang sinabi ni Dexter Cardenas, hepe ng Traffic Operations Division ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City Hall.
Anya, 80 porsiyento ng paglabag ng mga motorista sa QC ay tulad ng Obstruction, disregarding traffic signs habang 20% naman ay ang di pagsusuot ng helmet ng mga motorbike drivers, paglabag sa number coding at truck ban.
Sinabi ni Cardenas, sa isang araw ay may 500-600 drivers ang kanilang nahuhuli na lumalabag sa mga nabanggit na traffic violations nitong nakalipas na Hulyo at tumaas pa ito sa 700 drivers na nahuhuli ngayong Agosto.
Ayon pa dito, ang mga driver ng mga pampasaherong sasakyan ang kalimitang lumalabag sa batas trapiko sa lunsod at partikular na nahuhuli sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Aurora blvd., E Rodriguez, Quirino Ave. at Tandang Sora.
Binanggit pa ni Cardenas na ang pag-uunahan ng mga driver ng mga pampasaherong sasakyan ang isang ugat ng kanilang paglabag sa batas trapiko.
Bunsod nito, naglaan ang QC government ng mas madaming traffic signs para mapaalalahanan ang mga motorista na makasunod sa mga batas trapiko at tuloy mapangalagaan ang kanilang kaligtasan habang nasa mga lansangan. (Angie dela Cruz)