‘Utak’ sa Ninoy murder ituro muna – Cory
Dahil hindi naman umaamin sa kanilang kasalanan at hindi hu mihingi ng tawad, walang puwang para kay dating Pangulong Corazon Aquino ang pagpapatawad para sa 14 sundalong nahatulan dahil sa pagpatay sa kanyang asawang si dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Personal na nagtungo kahapon ang dating Pangulo sa Senado upang pakinggan ang talumpati ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III kaugnay sa kanyang amang si Ninoy.
Ayon kay Cory, dapat munang sabihin ng mga nakabilanggong sundalo ang katotohanan at sabihin kung sino ang nag-utos sa kanila.
“Sabi kasi pakawalan na lang, sabihin muna nila ang katotohanan dahil hanggang ngayon pinipilit pa rin nila na si Galman ang pumatay. Ang gusto kong malaman din, sabihin sa akin at sabihin sa ating lahat kung sino ang nag-utos sa kanila,” pahayag ni Cory.
Kailangan muna umanong magkaroon ng hustisya sa pagkamatay ni Ninoy bago magkaroon ng kapatawaran para sa mga taong gumagawa nito.
“Kailangan muna ng justice. Yon lang ang hinihingi ko ang katotohanan para na rin sa ating bayan, kung hindi palagi na lamang nating iisipin, hindi naman sinabi ang katotohanan eh di hindi rin tayo maniniwala,” pahayag pa ni Cory.
Taliwas naman ito sa nais mangyari ni Sen. Juan Ponce Enrile na nagsabing dapat i-review ang kaso upang mabigyan ng clemency ang mga sundalo.
Inamin ni Enrile na siya ang nagbayad sa legal services ng mga sundalo noong dinidinig pa ang kanilang kaso.
Ayon kay Enrile, nagdusa na ang mga sundalo at pamilya ng mga ito.
Pero aminado si Enrile na hindi maaaring masarhan ang kaso kung magkakaroon ng bagong ebidensiya na magtuturo sa totoong responsable sa pagpatay. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending