Umaangal na ang mga pork dealers sa bansa dahil sa pagtumal ng benta ng karneng baboy mula nang maibalita ang paglaganap ng hog cholera at pseudo-rabies sa mga babuyan sa Bulacan at Pampanga.
Ayon sa ilang tindera ng baboy sa palengke, matu mal na matumal ngayon ang bentahan dahil natatakot umano ang mga tao sa pag-aakalang lahat ng baboy ay may sakit.
Karamihan umano ngayon sa mga consumer ay sa mga malalaking grocery na bumibili ng karneng baboy dahil sertipikado ito ng National Meat Inspection Commission.
Pero ayon sa city veterenarian’s office, wala namang dapat ipangamba ang mga mamimili basta’t mapula at walang amoy ang karne ay ligtas itong kainin. Samantala ang baboy na may cholera ay malabsa, mabaho at may mga pasa.
Kaugnay nito, sinasabi sa report ng ABS-CBN na nag-alok na ang mga taga-Davao na magbenta ng karneng baboy sa mas mura pang halaga.
Bukod kasi sa cholera-free, mura pa ang bentahan nito dahil P67 ang kada kilo ng baboy sa Davao kumpara sa P150 kada kilo sa Maynila.
Batay sa tala, umaabot na sa 3,150 baboy na alaga ng mga 194 backyard raisers ang apektado sa 55 barangay mula sa 20 sa 24 bayan ng Bulacan.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Department of Agriculture sa publiko na walang epekto sa suplay at presyo ng baboy ang sakit na kolera na dumapo sa ilang hog poultry farms sa Bulacan.
Sinabi ni Bureau of Animal Industry officer-in-charge Davinio Catbagan na bagamat ang Bulacan ay isa sa hog-growing centers sa bansa at major pork supplier sa Metro Manila, ang hog cholera outbreak sa nabanggit na lugar ay dumapo lamang naman sa ilang lugar at ito ay under control na sa kasalukuyan.
Higit isang milyong baboy ang pinaparami sa Bulacan ngunit 3,150 lang sa mga ito ang nagkasakit o 0.29% lang, o wala pang isang porsyento.