Tatlo sa pitong Pinoy ang hinatulang mabitay matapos mapatunayang guilty sa pagtsap-chop sa tatlong kapwa nila Pilipino noong nakaraang taon sa Jeddah, Saudi Arabia.
Kinilala ang tatlong Pinoy na sina Eduardo Arcilla, kapatid nitong si Edison at Rolando Gonzales, tubong Pampanga.
Sangkot din sina Omar Basilio, Joel Sinambang, Efren Dimahon at Victor Alfonso, pawang taga-Pampanga.
Ang apat ay pinatawan ng walong taong pagkakulong bilang accomplice sa krimen at makakatanggap din ang mga ito ng 1,000 hagupit ng latigo.
Akusado sila sa pagpatay kina Reno Lumbang, Jeremias Bucod at Dante Rivero na ang mga katawan ay pinagpira-piraso noong Abril 2006.
Sa resulta ng imbestigasyon ng Jeddah police, iligal na sugal ang pinag-ugatan ng krimen.
Gayunman maaari lamang makaligtas sa bitay ang mga death convict sa sandaling humingi ang mga ito ng tawad at magbayad ng “blood money.”
May 30 araw ang mga akusado para iapela ang kanilang kaso at inaasahang tutugunan ito ng Saudi appellate court sa loob ng 8-12 buwan.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Claro Cristobal, ginagawa na ng gobyerno ang lahat na paraan upang isalba sa hatol na bitay ang tatlo kabilang na rito ang pag-apela sa korte ng Jeddah.
Siniguro rin ni Cristobal na mabibigyan ng karampatang tulong ang mga akusado at pamilya ng mga biktima.
Kamakailan ay isang Pinay ang hinatulang mabitay sa Kuwait matapos nitong laslasin ang leeg ng 6-anyos na alagang bata at saksakin ang dalawa pa nitong kapatid.