Tipid o rasyon?
Nanawagan kahapon si Pangulong Arroyo sa mga consumer ng tubig at elektrisidad na “magtipid” sa harap ng tumitinding tagtuyot na nagbabadya rin ng kakapusan sa supply ng kuryente.
Kung magpapatuloy ang matinding tagtuyot dulot ng kakulangan ng ulan, kinokonsidera ng pamahalaan ang pag-iiskedyul ng mga brownout at pagra-rasyon ng tubig.
Inatasan din ng Pangulo ang National Disaster Coordinating Council (NDCC) na maglunsad ng mawalak na information campaign kasabay ang pamimigay ng mga information kits upang malaman ng publiko ang pangangailangan sa pagtitipid sa kuryente at tubig.
Inutusan na rin ng Pangulo ang Department of Agriculture na magtanim ng mga “water-resistant” crops o iba pang pananim na hindi masyadong umaasa sa patubig.
Sinimulan na rin ang ‘cloud seeding’ upang magkaroon ng pag-ulan sa Luzon subalit hindi ito sapat kaya kinakailangang magtipid ng taumbayan sa tubig at kuryente upang maiwasan ang panibagong krisis, wika naman ni DOST Undersecretary Graciano Yumul.
Kabilang sa mga pangunahing apektado ng tagtuyot ang Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, ilang bahagi ng Metro Manila, Southern Luzon at Bicol Region.
Gayunman, sinabi ni NDCC Deputy Administrator at spokesman Dr. Anthony Golez na hindi pa rin dapat magpanic ang taumbayan dahil ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat.
Aniya, kumikilos na rin ang lahat ng ahensya ng gobyerno gamit ang kanilang resources para tumulong sa pagpapagaan sa epekto ng nagbabantang tagtuyot kung hindi magbabago ang panahon pagsapit ng Agosto.
- Latest
- Trending