Isang Pinay domestic helper ang sinentensyahang mabitay sa Kuwait matapos nitong patayin ang 6-taong gulang na anak ng kanyang amo habang sinaksak rin ang kapatid na batang lalaki at babae ng nasawi noong Enero 6.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr. na nagpulong na ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas kaugnay ng mga isasagawang hakbang para isalba sa bitay si May Vecina, tubong Matalam, Cotabato at may dalawang anak.
Ayon kay RP Ambassador Ricardo Endaya, may 15 araw pa silang palugit para iapela ang kaso ni Vecina sa Court of Appeals ng Kuwait. Nabatid na 6 buwan pa lamang si Vecina sa Kuwait.
Patuloy namang iginigiit ni Atty. Ahmad, legal counsel ni Vecina na ‘mentally disturb’ ang kaniyang kliyente ng isagawa nito ang krimen o wala sa sariling katinuan kaya kailangang sumailalim muna sa psychiatric tests.
Nakatakdang isumite ng depensa ang medical certificate ni Vecina galing Pilipinas hinggil sa mental state nito.
Napag-alaman din na tumalon si Vecina mula sa ikalawang palapag ng bahay ng kanyang employer matapos ang krimen. (Joy Cantos)