Erap nagtaksil kay FPJ?
Duda na rin umano si Senador Gregorio “Grin go” Honasan sa tunay na “loyalidad” ni dating Pangulong Joseph Estrada hinggil sa pakikitungo nito sa sinasabing tunay na kaibigang si Fernando Poe Jr..
Reaksiyon ito kahapon ni Honasan matapos kunan ng pahayag kung naniniwala siyang may katotohanan ang mga naglalabasan sa internet na pakikipag-usap ni Estrada sa isang “napakamaimpluwensyang tao” sa Malakanyang para lamang mahati ang oposisyon sa pagitan ng yumaong kaibigan nitong aktor na si Fernando Poe Jr. at Sen. Panfilo Lacson na kapwa kumandidato at natalo sa presidential election noong taong 2004.
“Kung pagtugma-tugmain baka may pinagmulan ito, sinasabi ko lang pero hindi ako nag-eespeculate, isang agam-agam na baka nga mayroong naganap na ganoong usapan,” paliwanag ni Honasan.
Si Honasan ang tumayong chief security ni Poe sa naturang eleksiyon.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Nene” Pimentel na may narinig na rin siyang “tsismis” hinggil sa sinasabing Hello Erap scandal. Gayunman, ayaw munang magbigay ng komento ng beteranong senador hinggil dito.
Sa naturang “transcript” na kumalat sa internet, nakipag-usap umano si Estrada sa Malakanyang para lamang matiyak na hindi kailanman magsasanib puwersa sina Poe at Lacson. Ang kapalit nito ay maipanalo lamang nang sigurado ang anak niyang si Jingoy sa senatorial election.
Nagkakulay sa naturang pag-uusap ang katapatan ni Estrada kay Poe dahil wala siyang intensyong pagbatiin ito at si Lacson.
Pero pinabulaanan ng kampo ni Estrada at maging ang mga kasamahan nito noong 2004 elections na mayroong usapan na naganap.
Sinabi naman ni Sen. Francis Escudero, dating tagapagsalita ni United
Opposition (UNO) na dapat ilabas ang sinasabing tape at mahusgahan, at hindi na rin dapat buhayin ang isyu lalo pa’t ang isang kasamahan ay matagal ng namayapa. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending