Inilatag na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang isang Task Force laban sa posibleng pananabotahe ng mga terorista sa idaraos na 40th ASEAN Ministerial Meeting kasabay ng pagdaraos sa bansa ng 14th Asean Regional Forum at Post Ministerial Conference na sisimulan sa darating na Hulyo 26.
Sinabi ni PNP Chief Director Gen. Oscar Calderon na hindi nila inaalis ang posibilidad na guluhin ang naturang okasyon kaya lahat ng preparasyon para mapangalagaan ang seguridad ay plantsado na.
Sa Hulyo 24 o dalawang araw bago ang pormal na pagdaraos ng ASEAN meet ay magiging operational na ang Task Force AMM upang mangalaga sa seguridad ng mga VIPs at mga delegado. (Joy Cantos)