Ad agency na naglabas ng verdict ad ni Erap, pinagpapaliwanag
Pinagpapaliwanag ng Sandiganbayan ang advertising agency na naglabas ng verdict ad sa kasong pandarambong ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Sa ibinabang resolusyon ng Special division ng Sandiganbayan, binibigyan ng mga mahistrado sa pangunguna ni Presiding Justice Teresita Leonardo de Castro, Asso. Justices Francisco Villaruz Jr. at Diosdado Peralta ang nagpalathala ng ad para ipaliwanag ang kanilang ginawang hakbang.
Partikular na hinihingan ng mga ito ng paglilinaw ay ang mga katagang “guilty or not guilty” kailangan bang may gulo? Nagsalita na ang korte o “the court has spoken.”
Nauna rito ay naghain ng mosyon ang panig ng depensa at hiniling na padaluhin sa korte ang mga editor ng pitong pangunahing pahayagan para ikumpisal kung sino ang ad agency o mismong taong nagbayad para mailathala ang nasabing verdict ad noong Hulyo 4.
Sinabi ni de Castro na batid nilang maraming tao ang nagdarasal na sana ay makapagbaba sila ng patas na hatol sa nasabing kaso.
Aminado si de Castro na kahit papaano ay naapektuhan sila ng ilang hinala at palagay sa kung papano nila dedesisyunan ang kaso ni Erap.
Dahil dito, tiniyak ng mga mahistrado na hindi sila padadala sa anupamang pananakot o panggigipit mula sa kahit saan pa mang panig.
Anuman ang maging hatol nila ay batay sa merito ng kaso at mga ebidensiyang iprinisinta sa korte. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending