Tinanggal na kahapon ng Philippine Association of Supermarkets ang lahat ng kendi at biskwit na galing China sa mga pamilihan.
Kabilang sa pinull-out sa mga grocery at supermarkets na napatunayang may nakalalasong kemikal na formaldehyde o formalin ang White Rabbit creamy candy, milk candy na gawa ng Romanticfish Food Industry, Bairong Grape Biscuits na gawa ng Dongguan Bairong Corp. at Yong Kang Food Grape Biscuits na gawa ng Dongguan Yongkang Food Company, Ltd.
Mahigit 800 food products galing China ang kasalukuyang sinusuri ng Bureau of Food and Drugs.
Sinabi ni BFAD Director Joshua Ramos na ang naging findings ng kanilang ahensiya na isinumite kay Heath Secretary Francisco Duque ang gagamiting basehan para i-ban ang mga nabanggit na produkto mula sa China.
Pero nilinaw ng BFAD na ang isa pang uri ng White Rabbit candy – ang brown at matigas na uri – na ginagawa na sa Pilipinas ay wala namang formaldehyde o fomalin.
Ang White Rabbit na malambot ang texture, at nakabalot sa nakakaing papel na gawa sa sticky rice ay isa sa top candy brand na ginagawa sa Shanghai ng Guanshengyuan Food, Ltd.
Ayon sa pag-aaral ng US Department of Labor’s Occupational Safety and Health Administration, may kaugnayan ang formaldehyde sa mga nakamamatay na sakit katulad ng brain at lung cancer, at leukemia.
Ginagamit din ang formalin sa pag-iimbalsamo ng mga bangkay at sa paggawa ng glue, plastic, at disinfectant.
Kasabay nito, iginiit kahapon ni Senate President Manny Villar sa BFAD na pag-ibayuhin pa ang isinasagawang inspeksiyon sa mga pagkaing nagmumula sa ibang bansa partikular sa China upang matukoy ang ibang food products na maituturing na lason at nakasasama sa kalusugan ng tao. (Malou Escudero)