Sen. Nene sinisi sa pagkatalo ng anak

Sinisi kahapon ni Sen. Richard Gordon si Sen. Aquilino Pimentel Jr. dahil sa pagkatalo ng kanyang anak na si Koko dahil isa umano ang huli sa mga hu­marang upang maging computerize ang elek­siyon.

Naniniwala si Gordon na kung naging computerize lamang ang halalan sa ARMM lalo na sa Mindanao ay mabilis na mabibilang ang mga boto at hindi magkakaroon ng pro­blema si Koko na na­talo ni Sen. Juan Mi­guel Zubiri sa pang-12 puwesto.

Sinisi ni Gordon ang oposisyon dahil sa pagharang sa modernization bill na dapat umano’y naipatupad ng Commission on Elections nitong nakaraang May 14 elections.

Dahil natagalan umano ang pagka­kapasa ng panukala na naaprubahan lamang ng Kongreso noong Pebrero, nagkulang sa oras ang Comelec kaya naisantabi muna ang pagpapatupad nito.

Hind aniya maa­aring sisihin ng opo­sisyon ang adminis­trasyon kung hindi naipatupad ang computerize na halalan dahil kinapos na rin ng oras ang Comelec. (Malou Escudero)

Show comments