Zubiri proklamado na
Kasama ni Zubiri sa kanyang proklamasyon ang asawa niyang si Aubrey, amang si Bukidnon Gov. Joe Zubiri, at kapatid na kongresistang si Manuel at biyenang si Dette Tan.
Sa pagbasa ng resolusyong nagpoproklama kay Zubiri, sinabi ni Comelec Chairman Benjamin Abalos na nakakuha ang una ng 11,004,099 boto na mas malaki kumpara sa 10,984,807 botong nakuha ng katunggali nitong si Aquilino “Koko” Pimentel III ng Genuine Opposition.
Binanggit ni Abalos na hindi na makakaapekto sa boto nina Zubiri at Pimentel ang natitirang mga botong hindi pa nabibilang.
Sinabi ni Zubiri sa isang panayam pagkatapos ng proklamasyon na
“Magpapahinga muna kami sa isang island resort na walang cell site. Bigyan ninyo kami ng apat na araw lang. Bubuo muna kami ng baby. Tutal, SONA (State of the Nation Address) na naman sa susunod na linggo,” sabi ni Zubiri na nakahawak-kamay kay Aubrey.
Tiniyak ni Zubiri na hindi niya bibiguin ang mga sumuporta sa kanyang kandidatura. Nag-alok din siya ng pakikipagkaibigan at pakikipagtulungan kay Pimentel na pursigidong patunayang nagkaroon ng dayaan sa halalan sa Maguindanao.
Sinabi pa ni Zubiri na manunumpa siya sa harapan ng isang huwes sa Bukidnon bukas. “Ako ang magiging unang senador ng Bukidnon,” sabi pa niya.
Idinagdag ni Zubiri na isa sa prayoridad niya ang modernisasyon at reporma ng halalan sa bansa. (Sheila Crisostomo)
- Latest
- Trending