Tiniyak kahapon ni Genuine Opposition senatorial bet Aquilino “Koko” Pimentel Jr. na ipaglalaban niya ang pananatili sa ika-12 slot ng magic circle sa gitna ng pahayag ni Team Unity bet Juan Miguel Zubiri na naniniwala siyang tataas siya sa ika-12 puwesto kapag nabilang na ang lahat ng boto mula sa Mindanao.
Ayon kay Pimentel, ang tanging paraan para malaglag siya sa no. 12 at masilat ni Zubiri ay sa pamamagitan umano ng “garapalang pandaraya.”
Pero sinabi ni Reli German, campaign strategist ng TU na dapat malaman ni Pimentel na mas malakas sa Mindanao si Zubiri kumpara sa kanya. Tinuran ni German na si Pimentel ay talunan sa sarili niyang balwarte sa Cagayan de Oro nang minsang tumakbo sa pagka-mayor.
Sinabi naman ni Koko na nag-iilusyon lamang umano si Zubiri para sabihing mauungusan siya nito sa no. 12 gayong kung tutuusin ay hindi pa naman tapos ang bilangan. Sa panig naman ni Zubiri, sinabi nitong kampante siyang si Koko at hindi siya ang malalaglag sa Magic 12.
“May tsansa pa tayo malaki ang tsansa natin, sana naman ay hindi gamitin ng ating kalaban ang isyu ng dayaan kaya la mang ako makakapasok sa Magic 12, malakas po tayo sa Mindanao at hindi natin kailangan ang mandaya,” ani Zubiri.
Ilang milyong boto na lamang ang kailangan para mabatid kung sino kina Zubiri at Pimentel ang papalarin sa 1.17M boto na mula sa COCs sa Basilan, Lanao del Sur, Surigao del Norte at Maguindanao. (Joy Cantos)