Bangkarote na ba ang sikat na boksingerong tinaguriang People’s Champ na si Manny ‘Pacman’ Pacquiao?
Lumitaw ang katanungang ito sa paglabas ng isang ulat kahapon sa ABS-CBN na nagsasaad na inilabas ni Pacquiao ang lahat ng natitira niyang pera sa ilang banko.
Dahil sa ginawa ng boksingero na talunang kandidatong kongresista sa South Cotabato, nataranta umano ang isang thrift bank at mga sangay ng dalawa pang regular commercial bank na nakabase sa Maynila dahil nahirapan silang pagserbisyuhan ang ibang depositor o kliyente sa biglaang withdrawal ng malaking pera ni Pacquiao.
Ayon sa ulat, kinuha ni Pacquiao ang lahat ng kanyang pera mula sa isang banko sa General Santos City. Natuklasan umano niya na umabot sa mahigit P140 milyon ang nagastos niya sa nakaraang halalan kaugnay ng pagkandidato niya sa pagkakongresista.
Walang nagawa ang malaking halagang nalustay ni Pacquiao dahil tinalo pa rin siya ni South Cotabato Rep. Darlene Antonino-Custodio sa nakaraang halalan.
Bukod sa nabanggit na banko, kinuha rin ng boksingero ang lahat ng deposito niya sa dalawa pang banko sa lungsod.
Niremedyuhan na lang ng naapektuhang banko ang problema sa pamamagitan ng paggamit sa tinatawag na overnight market para mapaglingkuran ang ibang nababahala nilang mga kliyente.
Sinasabi rin na nadismaya si Pacquiao sa pagkabigo ng kanyang pulitikong sponsor na nakabase sa Metro Manila na i-reimburse o ibalik ang mga nagastos niya noong eleksyon.
May usapan umano sila ng kanyang sponsor o principal na aabonohan muna niya ang gastusin niya sa kampanya sa South Cotabato at babayaran siya nito pagkatapos ng eleksyon.
Pero, nang matapos ang eleksyon, hindi na nakipag-ugnayan o nakipagkita kay Pacquiao ang kanyang principal.
Dahil dito, inilabas ni Pacquiao ang lahat ng pera niya sa banko para mapag-isipan ang gagawin sa mga natitira niyang kayamanan.