Isang babaeng Filipino police officer na kabilang sa mga nagsisilbi sa United Nations peacekeeping mission sa Timor Leste ang nasugatan sa pagbuwag sa nagkakagulong mga raliyista sa kapitolyo ng Dili, ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs kahapon.
Sa isinumiteng report kahapon ni Philippine Permanent Representative to the United Nations Ambassador Hilario Davide Jr. kay Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo, kinilala ang nasugatang Filipino peacekeeper na si Jimeli Valera Acuña, miyembro ng Philippine Police contingent sa UN Integrated Mission sa Timor Leste.
Base sa report ng UN Department of Peacekeeping Operations noong Mayo 24, si Acuña ay nagtamo ng mga galos at sugat sa balikat matapos itong tamaan ng baton na ipinukol ng mga nagsisipag-protestang Timorese na umatake sa UN peacekeepers. (Joy Cantos)