Dumaraing ang libu-libong pampublikong guro sa bansa na nagsilbing mga Board of Election Inspectors (BEIs) sa ginanap na May 14 elections na hindi pa sila nababayaran ng kanilang mga honorarium at transportation allowances.
Dumulog na sa tanggapan ni Sen. Mar Roxas ang libu-libong mga pampublikong guro na kasapi ng Teachers Organization for the Philippine Public Sector at ipinarating ng mga ito na marami pa rin sa kanilang hanay ang hanggang ngayon ay hindi pa nakakatanggap ng P3,000 honorarium at P300 transportation allowances na ipinangako ng gobyerno habang ang iba naman ay kalahati pa lamang ang naibabayad.
Bunga nito, nanawagan si Roxas sa Department of Finance (DOF) na ipalabas kaagad ang pondo para mabayaran ang mga teachers.
Binigyang diin ni Roxas na marapat lamang na mabayaran ng kanilang mga honorarium at transportation allowances ang mga guro dahilan itinataya ng mga ito ang kanilang buhay sa pagganap ng mahalagang papel sa tuwing eleksyon sa bansa.
Inihalimbawa ni Roxas ang trahedyang sinapit ng gurong si Nellie Banaag ng Taysan, Batangas na nasawi matapos sunugin ng mga tiwaling pulis na kaalyado ng isang talunang kandidato ang eskuwelahan sa kasagsagan ng bilangan. (Joy Cantos)