Sumiklab ang isang riot sa Kapai, Lanao del Sur habang isinasagawa rito ang special elections.
Sa report na nakalap, nagsuntukan at nagrambulan ang mga poll watch er sa Kapai, isa sa 13 bayan sa Lanao del Sur na pinagdausan ng halalan kahapon.
Nakasaksi umano sa pangyayari ang reporter ng ANC Channel na si Ricky Carandang kasama nina Ambassador Tita de Villa ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at Chairman Edward Go ng National Citizens Movement for Free Elections.
Sinasabi rin sa ulat na nasaksihan din ni de Villa kung paanong tatlong beses na nakaboto ang isang botante roon. May ilang tao na tinatangkang pabotohin ang isang bata pero pinatigil sila ng mga poll watcher.
Hindi rin pinapasok sa mga presinto ng botohan ang mga volunteer ng PPCRV at ng NAMFREL nang maganap ang mga karahasan at iregularidad.
Samantala, muling idineklara ng Comelec ang failure of election sa Lanao del Sur makaraang hindi muling siputin ng mga miyembro ng Board of Election Inspectors ang mga election precincts dito.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sar miento, nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga tumatakbong kandidato bilang mga lokal na opisyal dito kaugnay sa pagkakahati-hati ng mga presintong paggaganapan ng special election kaya idineklara na lamang ang failure of election dito.
Bunga nito’y isasagawa ang panibagong election sa bayan ng Butig, Lanao del Sur ngayong Linggo kung saan aabot umano ng 100 pulis ang magsisilbing BEIs.
Sinabi din ni Sarmiento na hinikayat umano ng ilang pulitiko ang mga botante sa nabanggit na bayan na huwag bumoto kaya maging ang mga BEIs ay hindi na rin sumipot at di ginampanan ang kanilang tungkuliln.
Sa ngayon ay ipinakalat ng PNP, AFP at Comelec ang may 6,000 militar at pulisya sa nabanggit na bayan upang tiyakin ang seguridad at kapayapaan dito.
Tila hindi naman nagtagumpay ang Comelec at ang pulisya sa pagpapatupad ng maayos at mapayapang election sa ilang lalawigang sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at Lanao Del Sur makaraang iba’t-ibang karahasan ang naganap dito.
Ayon kay Sarmiento, dalawang di kilalang kalalakihan ang umano’y umatake kahapon ng umaga sa bahay ng isang assistant election officer sa Marawi City. Aniya, pinaulanan ng bala ang bahay ni Asst. Election Officer Hadji Fatima Halima subalit wala naman umanong naitalang nasawi o nasaktan sa insidente na naganap habang idinaraos ang special elections sa 13 bayan ng Lanao del Sur.