Atong Ang laya na!
Pinalaya na kahapon mula sa kulungan ang negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang makaraang pagbigyan ng Sandiganbayan Special Division ang kahilingan niyang probation.
Si Ang na kumpare at kapwa akusado ni dating Pangulong Joseph Estrada sa P4.1 bilyong kasong plunder ay inilagay ng anti-graft court sa 2-year probation bilang tugon sa rekomendasyon ni Quezon City Chief Probation and Parole officer Ceres P. Añonuevo makaraang mag-plead guilty sa kasong indirect bribery.
Gayunman, obligado si Ang na mamalagi sa kanyang bahay sa Corinthian Garden, Quezon City at humingi ng permiso sa korte bago lumipat ng ibang tirahan o mangibang-bansa.
Pinagbabawalan din ng korte si Ang na makipag-ugnayan sa mga taong may masamang reputasyon at bawal din itong magsugal.
Bukod dito, inatasan din ng korte si Ang na magtanim ng punungkahoy sa Quezon City Circle o kahit sa La Mesa Dam Watershed dalawang beses sa isang buwan.
Nagbabala ang korte na ipapaarestong muli si Ang kapag hindi sumunod sa mga ipinataw na kondisyon sa kanyang paglaya.
- Latest
- Trending